Ang mga kabataang Gen Z sa Nepal ay nagsimulang kumilos laban sa matagal nang katiwalian at kapabayaan ng pamahalaan. Kabilang dito ang magkapatid na sina Mausam at Praveen Kulung na lumaki sa hirap at nangarap ng mas maayos na buhay. Ngunit sa kabila ng kanilang pagsisikap, naranasan nila ang kawalan ng trabaho, maayos na paaralan, at maayos na imprastraktura.
Naging mitsa ng galit ng kabataan ang mga larawang kumalat sa social media kung saan makikitang marangya ang buhay ng mga anak ng mayayaman habang milyon ang nananatiling naghihirap. Sa gitna ng protesta, napatay si Praveen matapos paputukan ng pulis, iniwan ang kapatid niyang si Mausam na ngayo’y mas determinado pa sa laban.
Umabot sa higit ₱52 milyon (1 milyon USD) ang pinsala mula sa kaguluhan, kasama ang pagkasunog ng mga gusali ng gobyerno, korte, hotel, at iba pang negosyo. Aabot sa 72 ang namatay at daan-daan ang nasugatan. Ngunit iginiit ng mga lider-estudyante na hindi sila ang may kagagawan ng karahasan, kundi mga taong sinasabing “infiltrators.”
Dahil sa matinding protesta, napilitan magbitiw ang Punong Ministro at pinalitan ng pansamantalang lider na nangakong tatapusin ang katiwalian. Nakatakda ang halalan sa Marso 2026, at pinag-uusapan ng kabataan ang posibilidad na bumuo ng bagong partido kung saan ang Gen Z ang magiging pangunahing puwersa.
Para kay Mausam, personal na laban na ito matapos mamatay ang kanyang kapatid. Aniya, hindi masasayang ang sakripisyo ni Praveen at handa silang magtayo ng bagong kinabukasan para sa Nepal—malaya sa lumang sistema at puno ng pag-asa para sa susunod na henerasyon.