
Ang P36 bilyon na pondo na dating nakalaan para sa flood control projects ay ililipat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Kabilang dito ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA).
Matapos ang direktiba ng Pangulo, bumaba ang budget proposal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2026 mula ₱881.3 bilyon patungong ₱625.8 bilyon. Malaking bahagi ng pagbawas ay galing sa flood control projects na ngayon ay nakalaan na para sa mga social welfare programs.
Ayon kay Marcos, gagamitin ang pondo para sa mga mahihirap na Pilipino lalo na sa mga pangangailangan sa gamot, emergency operation, at iba pang health-related needs. Malaking tulong din umano ito para sa mga benepisyaryo ng 4Ps upang maging mas self-sufficient sa panahon ng krisis.
Nagpahayag din ang Pangulo na pinag-aaralan ang pag-amyenda sa 4Ps Act upang mas matugunan ang pangangailangan ng mga benepisyaryo. Sa pagtitipon kasama ang 18 most outstanding 4Ps beneficiaries, binigyang-diin ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na ang kanilang mga kwento ay patunay na posible ang tagumpay laban sa kahirapan.
Noong 2024, naitala ng DSWD ang humigit-kumulang 4 milyong kabahayan na nakikinabang sa programa. Layunin nito na mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga pinakamahirap na Pilipino at hikayatin silang makaahon sa kahirapan.