
Ang Super Typhoon Nando (international name: Ragasa) ay tumama sa Babuyan Islands at ngayon ay papunta na sa West Philippine Sea. Ayon sa PAGASA, may pinakamalakas na hangin itong 215 kph at bugso na umaabot sa 295 kph, kaya nagtaas ng Signal No. 5 sa Babuyan Islands. Ilang lugar sa Ilocos, Cagayan Valley, Cordillera, at Metro Manila ay nakakaranas pa rin ng malakas na ulan at hangin.
Suspendido pa rin ang klase sa pampubliko at pribadong eskwela sa malaking bahagi ng Metro Manila, Ilocos, Benguet, Cagayan, La Union, Pangasinan, Cavite, Laguna, Batangas at Rizal. Kanselado rin ang ilang biyahe sa himpapawid at dagat para sa kaligtasan ng mga pasahero.
Mahigit ₱5,000 pamilya o 14,000 katao ang preemptive na inilikas bago dumating si Nando, ayon sa Office of Civil Defense. Ang iba ay galing sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, at Cordillera. May mga naitalang landslide at pagbaha, kasama na ang kalsadang bumigay sa La Union at mga rockslide sa Baguio at Marcos Highway.
Nakapagtala rin ng brownout sa ilang probinsya gaya ng Abra, Batanes, Batangas, Benguet, Cagayan, Ifugao, La Union, Ilocos Norte, Pangasinan at Mountain Province. Higit 350,000 kabahayan ang naapektuhan. May nakaantabay na ₂.4 milyong sako ng bigas mula sa National Food Authority at iba pang tulong para sa mga apektado.
Samantala, binabantayan ng PAGASA ang isang low-pressure area sa labas ng PAR na posibleng maging bagyo sa susunod na araw. Pinapaalalahanan ang lahat ng residente sa low-lying at landslide-prone areas na manatiling alerto at sundin ang abiso ng lokal na pamahalaan.