
Ang kwento ng magkapatid na sina Peter at Trevor ay muling nagtagpo matapos ang 58 taon ng pagkawalay. Noong sanggol pa si Peter, 10 linggo lamang ang edad, tumakas ang kanilang ina kasama si Trevor upang iwan ang ama. Ngunit habang paalis ang tren sa Preston papuntang London, dumating ang kanilang ama at inagaw si Peter mula sa mga kamay ng ina. Simula noon, hindi na muling nagkita ang magkapatid.
Lumaki si Peter, ngayon 58 taong gulang, na hiwalay sa kanyang tunay na pamilya. Inilagay siya ng ama sa foster care at lumaki siyang walang alam tungkol sa kapatid. Nang pitong taong gulang siya, natuklasan niyang siya ay ampon. Doon nagsimula ang kanyang paghahanap kay Trevor, ngunit walang malinaw na sagot sa loob ng maraming taon.
Nagkaroon ng malaking pagbabago nang tumulong ang anak ni Peter na si Chloe upang maghanap kay Trevor. Sa pag-research, natuklasan nila na si Trevor ay buhay at nakatira sa London. Ngunit masakit para kay Peter nang malaman niyang pumanaw na ang kanilang ina noong 2008. Sa kabila nito, tuloy ang kanyang pag-asa na makita si Trevor.
Sa kanilang pagkikita, pareho silang naluha nang makita ang isa’t isa. Parehong nagulat sa sobrang pagkakahawig nila. Ayon kay Trevor, bago bawian ng buhay ang kanilang ina, lagi nitong sinasabi na “Hanapin mo si Peter.” Kaya ang kanilang pagkikita ay naganap mismo sa kaarawan ng kanilang ina, na parang espesyal na regalo para rito.
Nag-inuman ng tig-iisang pinta ng beer ang magkapatid bilang selebrasyon. Ipinakilala ni Peter ang kanyang anak at apo kay Trevor. Nang makita ni Peter ang larawan ng kanilang ina, napansin niyang hawig ito kay Chloe. Para kay Trevor, siguradong proud ang kanilang ina na nagtagpo silang muli. Para naman kay Peter, ito ang pinakamasayang sandali ng kanyang buhay matapos ang mahabang paghihintay.