
Ang 32-anyos na si Kevin Rodriguez Zavala ay namatay matapos sumakay sa isang rollercoaster sa amusement park sa Orlando, Florida.
Sumakay siya sa Stardust Racers, isang dual-launch coaster na may bilis na umaabot sa 100 km/h at taas na 40 metro sa higit 1.5 kilometro ng riles. May bahagi rin itong tinatawag na Celestial Spin na kilala sa inverted crisscross na may makukulay na ilaw at musika.
Matapos ang biyahe, natagpuan si Zavala na walang malay at agad na dinala sa ospital. Idineklara siyang patay matapos magtamo ng mga blunt impact injuries, ayon sa ulat ng medical examiner.
Nagpahayag ng pagkabigla at pakikiramay ang pamunuan ng amusement park sa pamilya ng biktima. Pansamantalang isinara ang Stardust Racers habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ang Epic Universe ay binuksan ilang buwan pa lang ang nakalipas at isa sa mga bagong atraksyon sa Orlando na dinadayo ng maraming turista.