
Ang mga paaralan sa kahabaan ng Taft Avenue ay nagsama-sama para ipahayag ang kanilang galit sa korapsyon sa mga proyekto ng flood control. Ayon sa grupo, bilyon-bilyong piso ang nawala sa pondo para sa mga proyektong dapat sana’y nagpoprotekta laban sa baha, ngunit ito’y naging substandard o tuluyang hindi natapos.
Ayon sa pahayag ng One Taft alliance na may higit 400 lagda mula sa mga guro, estudyante, at mga lider ng unibersidad, ang kapabayaan at korapsyon ay nagdulot ng “twin-tragedy” — malalakas na baha at pagkamatay ng mga tao. Kanila ring tinanong kung ilang kabataan at manggagawa ang nasawi o nagkasakit gaya ng leptospirosis dahil sa maling paggamit ng pondo.
Binatikos din nila ang mga kontratista, opisyal, at dating administrasyon na pinabayaang lumala ang problema. Sa kanilang panawagan, sinabi nila: “Ang tao ay nalulunod sa paghihirap, habang ang mga tiwaling opisyal ay nagkakalamon sa kinurakot na pondo.”
Ngayong Setyembre 21, nakatakda ang dalawang malaking kilos-protesta: ang “Baha sa Luneta” sa umaga at ang “Trillion Piso March” sa hapon sa EDSA. Tinatayang aabot sa 15,000 katao ang makikilahok kasama ang iba’t ibang paaralan, grupo, at simbahan.
Sa huli, nanawagan ang mga paaralan at organisasyon na “lunurin sa galit ng mamamayan ang mga tiwaling opisyal” bilang pagtutol sa patuloy na korapsyon at kapabayaan sa flood control.