Ang dalawang matatandang magkapatid ay nasawi matapos matabunan ng lupa dahil sa landslide sa Sitio Aluhin Maliit, Barangay San Lorenzo, Mauban, Quezon nitong Linggo ng gabi.
Ayon sa pulisya, natabunan ang kanilang bahay bandang 8:40 ng gabi matapos ang ilang araw ng malakas na ulan.
Narekober ng mga rescuer ang bangkay ni Leon Ismael, 62, at ng kanyang kapatid na si Divina Sangcap, 69 kahapon. Dinala sila agad sa Mauban District Hospital, ngunit idineklarang patay pagdating.
Dalawa pang biktima, sina Teddy Trinidad at asawang si Roslyn, ay nakaligtas at kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Hinimok ni Maj. Hubert Jabrica, hepe ng Mauban Police, ang mga residente sa mga lugar na madalas tamaan ng landslide na maging alerto lalo na kapag may tuloy-tuloy na malakas na ulan.