
Ang totoo, nahihirapan ako at parang nabibigatan na ang puso ko. Ako ay 29 years old at halos 8 taon na kaming magkasama ng boyfriend ko (38). Sanay na ako na may tiwala sa kanya, pero nitong huli, may mga bagay na talagang gumugulo sa isip ko.
Kamakailan ko lang nalaman na nakikipag-chat siya sa isang babaeng co-worker. Ang pinaka-nakasakit sa akin ay nung tinanong niya ito ng, “Ano tingin mo sa akin?” Para sa akin, hindi na normal yung ganung tanong lalo na kung may partner ka na. Ang sagot ng babae, kuya lang daw ang tingin niya at wala siyang ibang meaning. Totoo man yun o hindi, hindi ko maiwasan ang duda at selos kasi bakit kailangan niya pang itanong yun?
Ang masakit pa, sinabi ng boyfriend ko na wala raw ibig sabihin yun. Gusto lang daw niyang makilala yung co-worker bilang kaibigan. Pero sa isip at puso ko, iba ang dating. Parang hinahanap niya ng validation sa ibang tao, validation na dapat sa akin lang manggaling. Masakit sa side ko, at hindi ako mapalagay kahit anong paliwanag niya.
At hindi doon natapos. Last week, nakita ko na may hawak siyang hardcopy group photo kasama yung co-worker na yun at iba pang officemates nila galing sa seminar. Hindi naman mali na may picture, pero tinago niya sa akin. Nang tanungin ko siya, sabi niya baka daw bigyan ko ng maling meaning kaya hindi niya agad sinabi. Pero ang totoo, mas lalo akong nagalit at nadisappoint. Kung wala namang mali, bakit kailangan itago?
Ngayon, hindi ko alam kung petty lang ba ako o tama lang yung nararamdaman ko. Oo, alam kong selosera ako, pero hindi ko maiwasang isipin na baka may kulang na sa amin. Mahal na mahal ko siya, ayokong mawala siya sa akin, pero parang unti-unti akong kinakain ng duda at insecurity. Iniingatan ko na lang ang sarili ko, pero minsan gusto ko na lang itanong: kung mahal niya talaga ako, bakit may mga bagay siyang hindi kayang sabihin ng diretso sa akin?
Mahal ko ang boyfriend ko, pero sa totoo lang, hindi ko alam kung paano haharapin itong mga maliit pero mabigat na bagay na nagdudulot ng sakit at pag-aalinlangan. Kaya eto ako, naglalakas loob mag-confess dito, para lang maibsan yung bigat sa dibdib ko.