
Ang isang 29-anyos na lalaki ay naaresto matapos magnakaw ng tricycle sa Barangay San Isidro, Antipolo City. Ayon sa pulisya, iniwan ng 54-anyos na biktima ang kanyang tricycle na may susi pa sa ignition bandang alas-9:30 ng umaga noong Setyembre 8.
Sa CCTV footage, makikita ang suspek na ilang beses pang nagpalakad-lakad bago itinulak ang tricycle palayo upang hindi mahalata. Pagkalayo ng ilang metro, agad niya itong sinakyan at pinaandar.
Agad na humingi ng tulong ang biktima at sakto namang may mga pulis na nagpapatrolya. Nagsagawa ng follow-up operation at pasado alas-9 ng gabi, natunton ang suspek sa isang gasolinahan kung saan narekober din ang tricycle.
Lumabas sa imbestigasyon na dati nang may kasong illegal gambling at physical injuries ang suspek na isa ring tricycle driver. Nahaharap siya ngayon sa kasong paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016.
Paalala ng pulisya sa publiko na huwag iwanang nakasusi ang sasakyan, iwasang mag-park sa madidilim na lugar, at gumamit ng lock o alarm para masiguro ang kaligtasan ng mga gamit.