
Ang unemployment rate ng Pilipinas ay tumaas sa 5.3% noong Hulyo 2025, mula sa 3.7% noong Hunyo, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA). Katumbas ito ng humigit-kumulang 2.59 milyong Pilipino na walang trabaho.
Bumaba rin ang employment rate sa 94.7% mula sa 96.3%. Umabot sa 46.05 milyon ang may trabaho ngayong Hulyo. Ngunit, lumobo rin ang underemployment o mga manggagawang kulang ang kita, mula 12.1% patungong 14.6%, o katumbas ng 6.80 milyon na gustong magdagdag ng oras o maghanap ng mas maayos na trabaho.
Sa kabuuang bilang ng may trabaho, 68.7% ay wage and salary workers, 24.7% ay self-employed, 4.0% ay unpaid family workers, at 2.6% ay employers sa sariling negosyo. Pinakamarami pa rin ang nasa service sector (62.8%), kasunod ang industry (18.7%) at agriculture (18.5%).
Malalaking dagdag sa empleyado ay nakita sa administrative at support services (296,000), transportation at storage (208,000), health at social work (169,000), manufacturing (109,000) at education (96,000).
Samantala, malalaking bawas sa empleyado ay nangyari sa agriculture at forestry (1.38 milyon), wholesale at retail trade (897,000), fishing at aquaculture (173,000), construction (147,000) at accommodation at food service (69,000).