
Ang hirap maglabas ng sama ng loob pero sana maintindihan ninyo ako. Ako ay 35 anyos, isang government employee, at may asawa ring 35 anyos na isang OFW. Mabuti siyang tao—good provider, loyal, at mabuting asawa sa maraming paraan. Pero simula pa noong nagsama kami, isa lang talaga ang problema namin: ang mga kaibigan niya.
Noong una, akala ko normal lang na minsan ay may lakad siya kasama barkada. Pero habang tumatagal, naging madalas, naging issue, at hanggang ngayon na 12 taon na kaming kasal, puro tungkol sa barkada ang pinag-aawayan namin. Kahit anong pakiusap ko, kahit sabihin kong ayoko, pupunta at pupunta pa rin siya sa mga inuman kasama nila. Pakiramdam ko, mas priority niya ang barkada niya kaysa sa akin at sa anak namin.
Noong Dec 2023, umuwi siya dito sa Pilipinas para magbakasyon ng 2 linggo. Akala ko, magiging time namin yun bilang pamilya. Pero halos gabi-gabi, kasama niya ang mga kaibigan niya para lang mag-inom. Ang sakit isipin na parang umuwi siya para sa kanila, hindi para sa amin. Sa dalawang linggong iyon, halos wala kaming family time, kasi laging inuuna ang barkada.
Mas lalong sumama ang loob ko nung huli naming away. Sinabi niya sa akin na ako raw ay “napaka walang kwentang asawa” dahil hindi ko siya masabayan sa trip niya. Ang sagot ko sa kanya, kung ganoon, humanap na lang siya ng asawa na kayang makisabay sa kanya. Hindi kasi ako palainom, mas pinipili ko ang bahay at trabaho. Kaya hindi ko talaga magustuhan ang mga kaibigan niya, dahil sa tuwing kasama niya sila, ako ang nagmumukhang kontrabida.
Pinakamasakit pa, bago siya nag-abroad, naaksidente ang asawa ko. Sa panahon ng pangangailangan, ni isa sa mga kaibigan niya ay walang dumalaw o nagparamdam. Pero pagdating sa kasayahan at inuman, andiyan sila lagi. Doon ko naisip, bakit sa lungkot at problema ako ang nandiyan, pero sa saya at aliw, sila ang kasama niya?
Kaya ngayon, nalilito ako. Tama ba ang nararamdaman kong ito o makasarili lang ako? Valid ba ang selos at sakit na nararamdaman ko, o ako lang ba ang may mali? Mahal ko ang asawa ko, pero pakiramdam ko, hindi na kami ang priority niya bilang pamilya. Sana may makapagbigay ng payo, kasi hindi ko na alam kung hanggang kailan ko kaya ang ganitong sitwasyon.