
Ang Tropical Depression Lannie ay tuluyan nang lumabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) kahapon ng umaga. Nabuo ito bandang alas-2 ng madaling araw malapit sa Sinait, Ilocos Sur, at umalis ng alas-8 ng umaga.
Bagaman wala nang direktang epekto si Lannie, dala pa rin ng kanyang trough o extension ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm sa mga rehiyon ng Ilocos at Cordillera, gayundin sa mga probinsya ng Nueva Vizcaya at Quirino. Asahan din ang thunderstorm sa hapon o gabi sa Batanes, Cagayan at Isabela.
Samantala, patuloy na pinalalakas ng habagat ang pag-ulan sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, Occidental at Oriental Mindoro, at Marinduque.
Sa ibang bahagi ng bansa, makakaranas ng magandang panahon sa umaga ngunit may posibleng thunderstorm sa hapon o gabi. Sa Hilagang Luzon, magiging katamtaman ang hangin at alon na aabot hanggang 2.5 metro, habang banayad hanggang katamtaman naman sa ibang lugar.
Naitala rin ng PAGASA ang mas malamig na temperatura sa Metro Manila kahapon, mula 25.8°C bandang alas-5 ng umaga hanggang 27.8°C bandang alas-11 ng umaga.