
Ang hindi ko inaasahan sa buhay ko ay magkakaroon ako ng relasyon sa isang lalaki na may asawa at tatlong anak. Sa trabaho nagsimula ang lahat. Unang pasok niya, medyo nahirapan pa siya mag-fill up ng mga requirements kasi kulang-kulang at hindi pa sanay. Ako ang tumulong at nag-asikaso. Sa simpleng pag-aabot ko ng tulong, nagsimula ang kwento namin.
Mula noon, lagi siyang nagpapasalamat. Kahit sa simpleng pagkain, sinasali niya ako—sinusukuban ng kanin, binibigyan ng ulam. Sa mga simpleng bagay na iyon, naramdaman ko ang lambing at malasakit niya. Hindi ko talaga inisip na may mararamdaman ako para sa kanya, kasi malinaw sa akin na may pamilya siya. Pero tao lang… nahulog ako.
Habang tumatagal, mas nakilala ko siya. Nakita ko na isa siyang mabait, malambing, may respeto, at marunong magpahalaga sa tao. Sabi niya, sa akin niya lang naramdaman ang mga bagay na hindi niya naranasan sa asawa niya. Doon lalo akong nahirapan bumitaw.
Ikinuwento niya na magagalitin at marahas ang asawa niya. Kahit nasa harap ng mga anak, wala itong pakundangan. Binabatukan, hinahampas, o kung anong madampot, ibinabato sa kanya. Walang lambing. Ni minsan daw, hindi siya tinimplahan ng kape pagkatapos ng trabaho. Ang nakikita lang niya, gawaing bahay, laba, luto, at pag-aalaga ng mga bata. Kapag naboboring, nag-iinom kasama ang mga kumare niya. Sa mga kwento niya, nakaramdam ako ng awa—at doon pumasok ang mas malalim na emosyon.
Dumating ang araw na nalaman na ng asawa niya ang tungkol sa amin. Siya mismo ang umamin. Dalawang linggo siyang nanatili sa kanila, pero sinabi niya na wala na siyang gana, wala na siyang pagmamahal sa asawa niya. Hindi na raw siya masaya. Sinabi niya rin ang lahat sa mga kapatid at magulang niya.
Ngayon, nagdesisyon siya na bago niya tuluyang iwan ang asawa niya, isasoli muna niya ito sa magulang. Hindi ko alam kung paano ko tatanggapin ang sitwasyong ito. Mahal ko siya, pero alam kong maraming masasaktan, lalo na ang mga anak niya.
Aaminin ko, mahirap. May guilt, may takot, at may sakit. Pero sa puso ko, nandiyan na siya. Hindi ko alam kung saan kami dadalhin nito, pero ang alam ko lang, hindi ko pinlano ito. Minsan, hindi talaga natin mapipigilan kung kanino tayo mahuhulog.