Ang 30-anyos na babae ay arestado sa Antipolo City matapos masangkot sa sunod-sunod na pananaksak ng mga lalaki at pananakit sa isang pulis.
Pinakahuling insidente ay nangyari sa Barangay San Isidro, kung saan isang 26-anyos na lalaki ang bigla niyang sinaksak ng gunting habang nakaupo sa tapat ng tindahan. Agad siyang nahuli ng mga barangay tanod at dinala sa police station.
Sa imbestigasyon, lumabas na may tatlo pang biktima na nauna nang nasaksak ng babae. Isa sa mga ito ay namatay matapos ang ilang araw. Ayon sa mga opisyal ng barangay, ang babae ay may mental health condition at ilang beses nang dinala sa National Center for Mental Health, ngunit pinalabas din at hindi naging regular sa pag-inom ng gamot.
Ayon sa kanyang ina, nakaranas ng pambubugbog mula sa asawa ang babae kaya lumala ang kanyang kondisyon. Kapag siya ay nabubully, nagiging marahas at nananaksak.
Sa ngayon, ang huling biktima ay patuloy na ginagamot sa ospital, habang ang babae ay nakakulong na sa Antipolo Police Station at posibleng maharap sa kasong frustrated homicide.