
Ang online gambling operators ay nagsisimula nang lumipat sa encrypted messaging apps at e-commerce platforms matapos higpitan ang koneksyon nito sa mga e-wallet services, ayon kay Sen. Erwin Tulfo.
Sinabi ni Tulfo na bagama’t sinunod ng e-wallet companies ang utos ng Bangko Sentral ng Pilipinas na alisin ang gambling links mula Agosto 14, mas lalo namang naging aktibo ang operators sa paglilipat ng kanilang serbisyo sa ibang apps tulad ng messaging at online shopping platforms.
Isang halimbawa ay ang mga laro na nananatiling available sa pamamagitan ng messaging apps at sariling website ng operator. Pinapadali pa rin ang deposit at withdrawal gamit ang GCash at Maya para sa mga manlalaro.
Dagdag pa rito, ibinebenta rin ang mga gaming vouchers bilang parang regular na produkto sa mga e-commerce sites. Maaaring bilhin ang mga ito gamit ang e-wallets, debit, o credit card at pagkatapos ay ikonvert sa gaming credits.
Ayon kay Tulfo, magandang hakbang ang ginawa ng e-wallet companies para tulungan ang gobyerno sa laban kontra online gambling addiction. Aniya, hindi dapat maging kalaban kundi kaalyado ang pribadong sektor upang mapigilan ang pagkahumaling ng kabataan sa sugal.