Ang Bureau of Immigration (BI) ay naghahanda ng deportation case laban sa isang Amerikanong pastor na akusado sa pang-aabuso sa 160 bata. Ayon kay BI Commissioner Joel Viado, bahagi ito ng kanilang #ShieldKids campaign na naglalayong protektahan ang mga kabataan laban sa pang-aabuso ng mga dayuhan.
Nakasaad sa ulat ng Intelligence Division ng BI na nakatanggap sila ng opisyal na sulat mula sa PNP at DSWD upang humingi ng tulong sa kaso ng pastor na kinilalang si Jeremy Ferguson, 48 anyos.
Inaresto si Ferguson noong Agosto 13 ng PNP Field Office III at Women and Children’s Protection Desk ng Pampanga Police sa Mexico, Pampanga. Siya umano ang namumuno sa isang relihiyosong grupo na may pangangalaga sa mga menor de edad.
Ayon sa mga ulat, sinabi ng mga bata na sila ay nakaranas ng pisikal na pananakit, pagkakait ng pagkain, at ang ilan ay ikinadena at ikinandado sa mga silid. Dahil dito, tiniyak ng mga opisyal na gagawin ang lahat upang tuluyang mapadeport si Ferguson matapos ang paglilitis sa kaso.