
Ang mga tindero sa footbridge at walkway ng MRT-3 Taft Avenue ay nagbabayad ng hanggang ₱90,000 na renta kada buwan, ayon sa Department of Transportation (DOTr). Kahapon, iniutos ng ahensya ang pagtanggal ng mga tindero matapos ang biglaang inspeksyon ni Transportation Secretary Vince Dizon.
Ang walkway ay konektado sa isang mall papunta sa LRT-1 EDSA Station. Ayon kay Dizon, ipapatawag niya ang may-ari ng mall para alamin kung may dating kasunduan sa gobyerno. Idinagdag din niya na hihilingin niya sa Philippine Coast Guard na maglagay ng armadong tauhan para hindi na makabalik ang mga tindero.
Ayon sa kalihim, naiintindihan niya ang sitwasyon ng mga tindero ngunit bawal silang magtinda sa pampubliko at pag-aari ng gobyerno gaya ng footbridge. “Naiintindihan ko sila at naaawa ako dahil kailangan nilang kumita, pero hindi sila puwedeng dito magtinda,” sabi ni Dizon.
Ilang tindero naman ang umaaming alam nilang bawal sila roon ngunit humihingi ng kaunting palugit. “Alam naming bawal, pero nakikiusap kami ng kaunting panahon para may makain kami,” ayon kay Sultan Nagapatamo, isa sa mga tindero.
Ang inspeksyon ay isinagawa kasama si Gabriel Go mula sa MMDA Special Operations Group Strike Force matapos makatanggap si Dizon ng bukas na liham mula sa dating state auditor na nagbahagi ng kanyang karanasan sa tren.