Ang mga residente at turista sa Morong, Rizal at Mambajao, Camiguin ay puwede nang gumawa ng 911 emergency calls gamit ang kanilang paboritong messaging apps at social media. Layunin ng bagong sistema na gawing mas mabilis at maayos ang emergency response at masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Noong Pebrero 27, sinimulan sa Mambajao ang paggamit ng lokal na 911 hotline, na siyang unang next-gen 911 command center sa Northern Mindanao. Dahil dito, natatanggap na agad ng mga responder ang tawag sa loob ng ilang segundo at nakararating sa lugar ng insidente sa loob ng tatlo hanggang pitong minuto.
Sa ilalim ng bagong plataporma na tinatawag na NEXiS Message, puwede nang mag-report ng emergency hindi lang sa pamamagitan ng voice calls, kundi pati na rin sa text, video call, group chat, at voice call gamit ang apps tulad ng Facebook Messenger. Lahat ng mensahe at media ay dumadaan sa iisang secure na system kaya mas mabilis at mas organisado ang pagtugon.
Ang NEXiS Message ay gumagamit ng matibay na cybersecurity protection kaya ligtas ang mga detalye, larawan, at video na ipinapasa ng mga tao. Sa iisang interface, nakikita at natutugunan ng responders ang lahat ng reports, kaya mas mabilis ang aksyon. Bukod dito, mas madali para sa mamamayan dahil puwede na silang mag-ulat gamit ang apps na pamilyar na sa kanila.
Ang cloud-based na system na ito ay compatible sa parehong luma at bagong communication technologies. May kakayahan itong mag-handle ng mapping, voice recording, video, SMS, at multimedia messaging. Pinapadali rin nito ang koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang ahensya para mas maayos ang crisis management. Ito ay hakbang patungo sa modernong emergency response na dati’y sa mga developed countries lang nakikita, pero ngayon ay nasa Pilipinas na rin.