
Ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ay nagbigay ng tulong na umabot sa mahigit P67 milyon para sa mga komunidad na naapektuhan ng sunod-sunod na bagyo at malalakas na ulan.
Higit 74,000 pamilya mula sa Metro Manila at iba’t ibang bahagi ng Luzon ang nakatanggap ng food at non-food packs. Kasama rito ang bigas, de-lata, noodles, kape, hygiene kits at banig para sa kanilang pangangailangan.
Noong huling linggo ng Hulyo, nakapamahagi ang PAGCOR ng mahigit 41,000 relief packs na nagkakahalaga ng P37 milyon sa mga lalawigan tulad ng Zambales, Bulacan, Laguna, Mindoro, Rizal, Tarlac, Nueva Ecija at Olongapo City.
Bukod dito, nagpadala rin ang PAGCOR ng mahigit P30.41 milyon halaga ng tulong sa mga residente ng Manila, Quezon City, Marikina, Parañaque, Cavite, Batangas, Rizal, Bulacan, Occidental Mindoro, La Union at Laguna.
Ayon kay PAGCOR Chairman Alejandro Tengco, magpapatuloy ang kanilang suporta kahit bumalik na sa normal ang panahon. “Nauunawaan namin na matagal ang proseso ng pagbangon kaya patuloy kaming tutulong,” aniya.