
Ang Marikina City Council ay nagdeklara ng state of calamity ngayong Miyerkules, Hulyo 23, ayon kay Mayor Maan Teodoro. Ito ay kasunod ng matinding pagbaha sa Metro Manila at pagtaas ng tubig sa Marikina River na umabot sa third alarm kahapon.
Sa Facebook post ni Teodoro, sinabi niya na ipinasa ang Resolution No. 109, series of 2025, para mapabilis ang pagbibigay ng tulong at mga hakbang para sa kaligtasan ng bawat pamilya sa Marikina.
Ayon kay Konsehal Ronnie Acuña, ang resolusyon ay ipinasa nang unanimous matapos irekomenda ng Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC). Apektado ang 12 barangay dahil sa malakas na ulan na dala ng habagat.
Higit 4,700 pamilya ang lumikas at nanunuluyan ngayon sa evacuation centers. Umabot sa 18.7 meters ang tubig sa Marikina River nitong Martes ng madaling araw bago bumaba sa normal na 14.3 meters kahapon ng hapon.
Patuloy ang clearing at declogging operations ng lokal na pamahalaan upang mapanatiling maayos ang daloy ng tubig at maiwasan ang karagdagang pagbaha sa mabababang lugar. Maraming iba pang lugar ang nagdeklara rin ng state of calamity para makagamit ng quick response fund at mapabilis ang rehabilitasyon.