
Ang Metro Manila ay para nang “Waterworld” matapos lumubog sa baha dahil sa walang tigil na ulan dala ng hanging Habagat. Dahil dito, maraming lugar ang binaha, at nasuspinde ang pasok sa klase at ilang opisina ng gobyerno.
Ayon sa MMDA, bandang alas-10:27 ng umaga, ilang kalsada sa Makati, Mandaluyong, at Maynila ang hindi madaanan. Binaha ang mga kalsada gaya ng Magallanes, EDSA Shaw Blvd., España Blvd., at Roxas Blvd.. Maging sa Pasay, Parañaque, at Quezon City, maraming underpass at intersection ang hindi na makadaan ang mga sasakyan.
Sa Marikina River, umabot na sa 15 metro ang tubig kaya itinaas na ito sa first alarm. Kapag umabot ito ng 16 metro, aabisuhan na ang mga nakatira malapit sa ilog na lumikas. Kung 18 metro na ang taas, forced evacuation na ang ipatutupad.
Nagbabala rin ang PAGASA tungkol sa La Mesa Dam sa Quezon City na malapit nang umapaw. Sa update nitong Lunes ng umaga, nasa 76.6 meters na ito, halos malapit sa 80.1-meter spilling level.
Magpatuloy ang pag-iingat, lalo na sa mga lugar na madaling bahain. Patuloy rin ang paalala sa publiko na sumunod sa mga anunsyo ng lokal na pamahalaan.