
Ang sikat na mang-aawit na si Connie Francis, kilala sa mga kantang Pretty Little Baby at Stupid Cupid, ay pumanaw na sa edad na 87. Ibinahagi ng kanyang kaibigang si Ron Roberts, na siyang copyright manager ni Connie, ang malungkot na balita sa isang Facebook post noong Huwebes, Hulyo 17.
Ayon kay Roberts, "Matinding lungkot ang nararamdaman ko sa pagpanaw ng mahal kong kaibigan, si Connie Francis, kagabi." Wala pang ibinibigay na karagdagang detalye tungkol sa kanyang pagpanaw.
Ilang linggo bago siya bawian ng buhay, naospital si Francis dahil sa matinding pananakit ng katawan. Sa panahong iyon, isinailalim siya sa mga pagsusuri upang malaman ang sanhi.
Matapos ang kanyang pagretiro, nanirahan si Francis sa South Florida. Noong Mayo, ikinuwento niya sa PEOPLE na nagkaroon siya ng hip injury kaya pansamantalang gumamit siya ng wheelchair.
Ang tunay niyang pangalan ay Concetta Franconero, at siya ang unang babaeng nagkaroon ng No. 1 hit sa Billboard Hot 100 sa pamamagitan ng kantang Everybody's Somebody's Fool. Kamakailan, muling sumikat ang kanyang kantang Pretty Little Baby matapos itong gamitin ng maraming kabataan sa TikTok.