
Ang executive ng American Idol na si Robin Kaye at ang kanyang asawa na si Thomas Deluca ay natagpuang patay sa kanilang bahay sa Los Angeles. Ayon sa ulat ng Variety, pareho silang 70 taong gulang at natagpuang may tama ng baril.
Ayon sa tagapagsalita ng show, matagal nang bahagi si Kaye ng Idol family simula pa noong 2009. “Lubos kaming nalulungkot sa pagkawala nina Robin at Tom. Mahal at nirerespeto siya ng lahat sa industriya. Mananatili siyang buhay sa aming alaala.”
Ang mga pulis ay tumugon sa tawag para sa "welfare check" matapos hindi makontak ng kanilang kamag-anak ang mag-asawa ng ilang araw. Sa pag-inspeksyon sa bahay, natagpuan sina Kaye at Deluca na wala nang buhay dahil sa tama ng baril.
Nakilala ang suspek bilang si Raymond Boodarian. Ayon sa imbestigasyon, posibleng pumasok ito sa bahay sa pamamagitan ng hindi nakalock na pinto. Nagkaroon umano ng komprontasyon pag-uwi ng mag-asawa na nauwi sa pamamaril.
Si Kaye ay kilalang music supervisor at naging bahagi rin ng mga palabas tulad ng Lip Sync Battle. Nagsilbi rin siyang vice president ng Guild of Music Supervisors. Ang kanyang asawa na si Deluca ay isa ring musikero at songwriter.