
Ang mahigit P2 milyon na halaga ng marijuana ay nasabat mula sa isang 22-anyos na buntis sa buy-bust operation sa Barangay Nangka, Marikina City noong Martes ng madaling araw. Ayon sa Marikina police, nagkaroon sila ng follow-up operation matapos malaman na may natirang kontrabando mula sa isang drug suspect na naaresto noong Hunyo.
Sa tulong ng isang informant, natukoy ang babae bilang posibleng nag-iimbak ng mga natirang ilegal na droga. Itinuturing din siya na high-value individual. Sa operasyon sa isang paupahang bahay, nagbenta ang suspek sa poseur buyer ng P2,000 halaga ng marijuana.
Sabi ni Col. Geoffrey Fernandez, hepe ng Marikina City Police Station, ang suspek ay dati nang nakulong nung siya ay menor de edad. Halos apat na buwan pa lang siyang nakakalaya bago siya nahuli. Posible rin na miyembro siya ng isang grupo dahil siya ay jobless at high school graduate.
Itinanggi ng suspek na siya ay nagbebenta o gumagamit ng ilegal na droga. “Hindi po. Hindi ako nagbebenta,” sabi niya. Ngayon, siya ay nakakulong na sa Marikina police custodial facility at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.