
Ang isang Grade 12 student na babae ay hinalay ng 32-anyos construction worker sa Barangay Bagong Silangan, Quezon City, gabi ng Sabado, July 5. Ayon sa pulisya, tinutukan ng patalim ang biktima habang pauwi matapos bumili ng gamit para sa school project.
Kitang-kita sa CCTV ang suspek na sumusunod at umaakbay sa biktima. Ayon kay PMaj. Gilbert Caducano, tinakot pa ng suspek ang estudyante at dinala ito sa madilim na parte ng subdivision kung saan nangyari ang krimen. Nanghingi pa umano ng pera ang suspek matapos ang pangyayari.
Dumiretso sila sa isang convenience store para magpa-cash out. Dito nagkaroon ng pagkakataon ang biktima na humingi ng tulong sa mga tao at pulis na nagpapatrolya. Agad naaresto ang suspek sa tulong ng mga pulis.
Ayon sa imbestigasyon, nakainom ang lalaki nang mangyari ang insidente. Inamin din niya ang ginawa at humingi ng tawad, sabay sabing nagsisi siya dahil sa sobrang kalasingan. Ilang linggo pa lang siyang nagtatrabaho bilang construction worker sa lugar.
Sa ngayon, ang biktima ay sumasailalim sa counseling sa tulong ng Women and Children Protection Desk (WCPD). Paalala ng PNP sa mga magulang, bantayang mabuti ang mga anak lalo na sa gabi upang makaiwas sa kapahamakan.