
Ang PAGCOR ay tutol sa total ban sa online gambling. Ayon kay PAGCOR chairman Alejandro Tengco, mas epektibo ang mahigpit na regulasyon kaysa sa tuluyang pagbabawal. Mahalaga raw na mahiwalay ang legal na operators sa mga ilegal na hindi nagbabayad ng buwis at target ang mga Pilipino.
Noong 2024, umabot sa P50 billion ang nakolektang kita mula sa online gaming. Kalahati nito ay napunta sa mga programang panlipunan gaya ng Universal Health Care, PhilHealth, Philippine Sports Commission, at Dangerous Drugs Board. Sinabi ni Tengco na kung maayos ang pamamalakad, makatutulong ito sa ekonomiya.
Plano rin ng PAGCOR na gumamit ng Artificial Intelligence (AI) para bantayan ang online gamers. Kaya nitong i-flag ang mga risky na gawain tulad ng sobrang pagde-deposito o sunud-sunod na pagkatalo. Awtomatikong masususpinde ang account kung makita ang hindi normal na activity. Isinasaalang-alang din ang AI tools para matiyak na 21 years old pataas lang ang puwedeng maglaro.
Sa Hulyo 16, pipirma ang PAGCOR ng kasunduan sa Ad Standards Council para higpitan ang mga online gambling ads — lalo na sa billboards at TV ads mula 5:30 PM hanggang 8:30 PM. Kakampihan rin nila ang DTI at NTC sa reklamo laban sa pre-installed casino apps at ads targeting minors.
Magkakaroon ng 24/7 hotline para sa counseling ng mga nalululong sa sugal. Samantala, ang Department of Finance ay gumagawa ng plano para sa online gambling tax, habang ang Bangko Sentral ay maglalabas ng guidelines para sa mas matibay na proteksyon sa mga online users.