
Ang isang transport company ay nanawagan sa Department of Transportation (DOTr) na ipagbawal ang maiingay na pasahero sa loob ng mga Public Utility Vehicles (PUVs). Ayon kay Ritchie Manuel, senior consultant ng Metrolink Bus Company, ito ay matapos magwala ang isang Person with Disability (PWD) sa loob ng bus habang bumabaybay sa EDSA-Guadalupe kamakailan.
Sinabi ni Manuel na ang PWD na ito ay matagal nang kilala sa EDSA Busway na hindi komportable sa maingay na kapaligiran. Posibleng ang paglalaro ng cellphone ng isang bata ang naging trigger ng insidente. Dahil dito, iginiit niyang panahon na upang magkaroon ng patakaran para mapanatiling tahimik ang biyahe ng mga pasahero.
Hiniling din ni Manuel sa mga kaanak ng PWDs na samahan ang mga ito tuwing lalabas ng bahay, lalo na kung gagamit ng pampublikong sasakyan. Aniya, makatutulong ito para maiwasan ang kaguluhan at maprotektahan ang kalagayan ng PWD.
Dagdag pa niya, bukas ang Metrolink na magbigay ng training sa mga tauhan kung paano harapin ang ganitong klase ng sitwasyon sa hinaharap. Ito raw ay hakbang para mapanatili ang kaayusan at seguridad sa mga pampublikong sasakyan.




