Ang kampiyon ng WBC na si Mario Barrios ay hindi na nabibigla o nai-starstruck sa makakalaban niyang si Manny Pacquiao. Tatlong linggo bago ang pinakabigat na laban sa kanyang buhay, malinaw ang iniisip ni Barrios – huwag matakot sa pangalan ni Pacquiao at gawin lahat para maipagtanggol ang kanyang titulo.
Sa media workout sa Pound 4 Pound Gym sa Las Vegas, sinabi ni Barrios na hindi siya nag-eensayo para harapin ang isang legend. “Nung una, nagulat ako nang malaman ko na si Pacquiao ang makakalaban ko. Pero habang tumatagal ang training, iniisip ko na lang na isa siyang karaniwang lalaki na gustong kunin ang aking titulo,” pahayag ni Barrios kasama ang kanyang trainer na si Bob Santos.
Mas bata at mas malaki si Barrios kumpara kay Pacquiao. Anim na talampakan ang tangkad niya samantalang si Pacquiao ay 5’5” lang. Bukod dito, apat na taon nang hindi lumalaban si Pacquiao kaya siya ang underdog. Dahil dito, si Barrios ang paborito ng mga pustahan.
Kahit maayos ang pakikitungo nila sa isa’t isa sa mga press conference, aminado si Barrios na iba na sa ring. “May respeto ako sa lahat ng nagawa niya sa boksing at sa ugali niya. Pero sa araw ng laban, mawawala ang respeto. Pareho kaming papasok sa ring na may masamang balak,” dagdag niya.
“Ngayon, nakangiti kami pero kapag laban na, gagawin ko lahat para hindi niya makuha ang aking titulo.”