Ang Meta at Xbox ay nagsanib-puwersa para sa isang limited-edition mixed-reality headset – ang Meta Quest 3S Xbox Edition. Available na ito ngayon sa halagang ₱23,500+ ($399.99 USD), ngunit limitado lang ang bilang. Ayon sa dalawang brand, "once it’s gone, it’s gone."
Kasama sa bundle ang isang custom Meta Quest 3S headset na may kulay na Carbon Black at Velocity Green, pati na rin ang Touch Plus controllers at isang Elite Strap. May kasamang Xbox controller na bagong disenyo at pre-paired na agad sa headset – kaya pwede na agad gamitin paglabas ng kahon.
Magagamit ang headset para maglaro ng mga Xbox games sa pamamagitan ng Xbox Cloud Gaming gamit ang 26-foot virtual screen. Suportado rin nito ang online multiplayer. Para masulit ng mga gamer, may libreng 3 buwan ng Game Pass Ultimate na kasama sa bawat bundle.
Hindi ito ang unang beses na nag-collab ang Meta at Xbox. Ilang taon na ring available ang Xbox app sa Quest, kaya pwedeng maglaro ng maraming titles kahit wala kang console. Parte ito ng kampanya ng Xbox na "Play Anywhere" kung saan kahit anong screen, pwedeng gawing parang Xbox.
Available na ang Meta Quest 3S Xbox Edition sa official stores ng Meta at Xbox. Kung interesado ka, bilisan mo – dahil limited lang ito at mabilis nauubos.