
Ang gobyerno ng Pilipinas ay naglabas ng deployment ban para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) papuntang Israel at Iran dahil sa lumalalang gulo sa pagitan ng dalawang bansa. Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Cacdac, itataas na sa alert level 3 ang status sa dalawang bansa, kaya’t awtomatiko nang ipatutupad ang total deployment ban.
Bago pa man ipatupad ang ban, naglabas na ang gobyerno ng paalala na pinag-iingat ang mga OFW sa pagpunta sa Israel at Jordan dahil sa missile attacks. Sinabi rin ni Cacdac na ang Department of Migrant Workers ay susunod sa payo ng DFA pagdating sa posibilidad ng pagtaas ng alert level sa ibang bansa sa Middle East tulad ng Saudi Arabia.
Tiniyak ni Cacdac na may tulong pinansyal at repatriation assistance ang gobyerno para sa mga OFW na gustong umuwi, pati na rin sa mga Filipinong seafarers na nasa barkong naka-dock sa Iran. Kasama rin sa tulong ang temporary shelter para sa mga OFWs na nawalan ng tirahan sa Israel.
Sa kasalukuyan, may 253 OFWs ang humiling ng repatriation, at 50 na ang kumpirmadong uuwi. Si Cacdac ay pauwi na rin mula Jordan kasama ang unang batch ng 30 repatriated OFWs mula Israel, Jordan, at West Bank.
Ayon sa embahada sa Tel Aviv, 127 Pilipino ang nawalan ng tirahan matapos ang missile attack ng Iran. May 118 na nailipat sa pansamantalang tirahan at 9 ang inaayos na para sa resettlement. Posibleng gamitin ang ruta ng Egypt at Mediterranean Sea kung hindi na ligtas ang daan sa Jordan.