Ang Pilipinas ay hindi uurong sa pagprotekta ng ating soberenya at kapakanan ng mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea, ayon kay Pangulo Ferdinand Marcos Jr.. Ito ang kanyang pahayag matapos ulit na harasin at gamitan ng water cannon ng China Coast Guard ang mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa may Panatag Shoal.
Sa kanyang podcast, sinabi ni Marcos na ayaw ng Pilipinas ng gulo, pero ipinaglalaban lang ang sarili nitong teritoryo. Aniya, “Hindi kami nakikipag-away. Pero huwag ninyong saktan ang aming mga mangingisda. Huwag ninyong harangin ang aming galaw sa sarili naming teritoryo.”
Dagdag pa niya, kapag nagbigay ka kahit kaunti, posibleng angkinin pa nila ng buo. Kaya hindi puwedeng pabayaan o isuko kahit isang pulgada ng ating karagatan.
Gusto ni Marcos na maalala ang kanyang administrasyon bilang tagapagtanggol ng teritoryo ng Pilipinas. “Hindi kami sumuko. Patuloy naming pinoprotektahan ang soberenya at ang karapatan ng bawat Pilipino,” ayon sa kanya.
Sa ulat ng Philippine Coast Guard, may anim na China Coast Guard vessels, dalawang PLA warships, at ilang maritime militia vessels na nag-block sa layunin ng BFAR na mamigay ng fuel subsidies sa mga mangingisda. Ang isa sa mga barko ng BFAR ay binomba ng water cannon habang nasa may Panatag Shoal.