Ang dalawang batang babae ay nasagip ng mga pulis mula sa online na pambubugaw ng kanilang sariling ina sa Angeles City. Ayon sa PNP-Women and Children Protection Center (WCPC), mismong ang ina ang nagbebenta ng mga malalaswang larawan at video ng mga anak sa internet.
Sabi ni Police Lt. Col. Armelina Manalo, ang suspek ay tinuruan umano ng kanyang dayuhang nobyo kung paano kumita sa online sexual exploitation. Matapos matuto, ginamit nito ang kanyang mga anak sa kababuyang ginagawa online.
Kumikita raw ang ina ng P2,500 hanggang P3,000 kada transaksyon. Nang salakayin ng awtoridad ang bahay, wala roon ang ina kaya hindi agad nahuli.
Ang mga bata ay kinuha na ng DSWD at binibigyan ng proteksyon. Patuloy namang hinahanap ang suspek upang mapanagot sa batas.
Isang paalala ito na dapat protektahan ang mga bata laban sa pang-aabuso, lalo na sa online.