
Ang Malacañang ay nagdeklara ng June 24, 2025 bilang special non-working holiday sa lungsod ng Maynila. Ito ay upang bigyang-daan ang pagdiriwang ng ika-454 founding anniversary ng siyudad.
Ayon sa Proclamation No. 925 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, layunin nito na mabigyan ng pagkakataon ang mga taga-Maynila na makilahok at mag-enjoy sa selebrasyon ng Araw ng Maynila.
Ang June 24, 1571 ang araw nang itinatag ni Miguel López de Legazpi ang Maynila bilang isang Spanish settlement, na naging sentro ng pamumuno ng mga Kastila sa bansa.
Noong June 24, 1976, ginawang opisyal na kabisera ng Pilipinas ang Maynila sa pamamagitan ng isang presidential order.
Sa taunang paggunita ng Araw ng Maynila, binibigyang halaga ang makasaysayang papel ng siyudad sa kasaysayan at kultura ng bansa.