Ang Incredibles 3 ay opisyal nang tinutuloy ng Pixar, at sa pagkakataong ito, si Peter Sohn — ang direktor ng Elemental at The Good Dinosaur — ang itinalagang mamuno sa pelikula. Ibig sabihin, may galaw na ulit ang inaabangang ikatlong kwento ng super pamilya Parr!
Bagaman hindi na siya ang direktor, babalik si Brad Bird — ang orihinal na lumikha ng Incredibles — bilang manunulat at producer. Ayon sa ulat, napagkasunduan nila ito ni Pixar Chief Creative Officer Pete Docter dahil abala si Bird sa ibang proyekto tulad ng Ray Gunn.
Si Peter Sohn ay hindi na bago sa mundo ng Pixar. Naging bahagi siya ng original Incredibles bilang animator at story consultant naman sa Incredibles 2. Dahil din sa tagumpay ng Elemental na kumita nang malaki at nominado pa sa Oscars, nakita ang kanyang kakayahan sa paggawa ng emosyonal at malikhaing kwento.
Wala pang petsa ng release na inihayag ang Pixar, pero abala sila ngayon sa paghahanda para sa isa pang pelikula, ang Elio, na lalabas ngayong buwan.
Handa ka na ba sa susunod na misyon ng Incredibles? Mukhang mas personal at mas kapana-panabik ang bagong direksyon ng kwento!