Ang bangkay ng isang lalaking sanggol ay nadiskubre sa tambak ng basura sa gilid ng kalsada sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig, nitong Martes ng tanghali. Ayon kay Jhon Cagas, isang residente, wala na itong buhay nang makita niya ito sa Blk 34, Kalayaan St. corner Eusebio Avenue.
Ayon sa kanya, agad siyang tumawag sa 911 matapos makita ang sanggol na nakabalot sa plastic at walang saplot. Tinakpan ito ng kulay asul na tela bilang respeto. Maraming residente ang nagsimulang magsuot ng face mask dahil sa masangsang na amoy, na una nilang inakalang galing lang sa sirang isda.
May nakakita umanong kotse ang dumaan sa eskinita at nadaganan ang basura, dahilan upang lumabas ang plastic na may lamang sanggol. Nagtaka ang mga tao kung bakit hindi agad ito kinuha, kahit nandiyan na ang pulis at barangay.
Sa ulat ng Barangay Pinagbuhatan, pitong buwang gulang na ang sanggol at idineklarang patay na ng mga medical responder. Halos kalahating araw bago ito nakuha ng taga-punenarya dahil sa kakulangan sa mga dokumento at walang lumantad na kamag-anak.
Ngayon, ang barangay na ang nag-aasikaso ng disenteng libing para sa sanggol habang patuloy ang imbestigasyon kung sino ang nag-iwan sa kanya. Hinimok ang publiko na magbigay ng impormasyon kung may nakakakilala o may alam sa insidente.