
Ang bilang ng mga Chinese na dating nagtatrabaho sa mga POGO hubs sa Pilipinas ay tinatayang nasa 9,000 hanggang 10,000 pa rin, ayon sa PAOCC. Ayon kay Undersecretary Gilbert Cruz, pansamantalang sinuspinde ang mga operasyon dahil sa sobrang dami ng dayuhan at kakulangan ng mga pasaporte ng ilang nahuli.
Ayon kay Rep. Robert Ace Barbers ng House Quad Committee, dapat kumilos agad ang mga ahensya. Aniya, "pakalat-kalat na sila ngayon." Binalaan din niya na posibleng may mga kriminal o espiya sa mga ito kaya banta ito sa seguridad ng bansa.
Iniulat naman ng DOLE na binawi na ang employment permits ng halos 15,000 POGO workers matapos ipagbawal ng Pangulong Marcos Jr. ang operasyon ng POGOs noong nakaraang taon.
Dagdag ni BI Rep. Vicente Uncad, ang mga Chinese ay binigyan na lamang ng tourist visa, na karaniwang six months lang ang bisa. Pero dahil walang centralized database, mahirap nang subaybayan ang galaw ng mga ito sa bansa.
Napag-alamang maraming ahensya pa rin ang may kapangyarihang mag-isyu ng visa gaya ng DFA, PRA, DTI, at special economic zones. Kaya sa ngayon, nananatiling hamon sa pamahalaan kung paano ma-aayos ang sistema ng pag-monitor sa mga banyagang ito.