
Ang mga awtoridad at mangingisda ay nagtulungan sa pagkuha ng 28 sako ng hinihinalang shabu mula sa karagatan ng Pangasinan noong Hunyo 5 at 6, ayon sa Coast Guard District Northwestern Luzon.
Malaki ang tulong ng mga mangingisdang lokal na agad nag-ulat sa mga otoridad nang makita nila ang mga kahina-hinalang lumulutang na sako. Dahil dito, naging matagumpay ang mabilis na aksyon ng Coast Guard at ang pagkumpiska sa mga sako ng droga.
Ayon kay Capt. Mark Larsen Mariano, patuloy ang mahigpit na pagbabantay sa baybayin at pakikipag-ugnayan sa mga residente upang masugpo ang posibleng drug trafficking sa dagat.
Nagpaalala rin siya na ang pakikialam o paghawak sa mga kahina-hinalang pakete ay maaaring magdulot ng kaso sa batas, at dapat itong agad ireport sa pinakamalapit na himpilan ng Philippine Coast Guard (PCG).
Sa ngayon, iniimbestigahan pa kung saan nanggaling ang shabu at kung sino ang inaasahang tatanggap nito.