
Ang online body shaming ay puwedeng ikaso bilang krimen ayon sa Safe Spaces Act o Bawal Bastos Law (RA 11313). Ayon sa programang "Hello Attorney" sa DZMM Teleradyo noong Hunyo 4, sinabi ni Atty. Noel Del Prado na kahit walang direktang batas laban sa body shaming, puwede pa ring kasuhan ang taong nagsalita ng masama tungkol sa hitsura o kasarian ng iba—lalo na kung nagdulot ito ng mental o emotional na pinsala.
Sakop ng Gender-Based Sexual Harassment (GBSH) ang mga komento tungkol sa timbang, katawan, o kahit anong aspeto ng pisikal na anyo. Kahit sa private message lang ginawa, puwede pa ring kasuhan. Sa unang paglabag, puwedeng makulong mula 1 araw hanggang 30 araw, pero kung maulit, maaaring umabot ng 1 hanggang 6 na buwang kulong.
Kapag napatunayang may sala, puwedeng magmulta ng hanggang P100,000. Bukod dito, kung naapektuhan ang biktima at kailangan niyang sumailalim sa therapy, nagkaroon ng eating disorder, o nawalan ng trabaho, kailangang bayaran ito ng taong nagkasala bilang bahagi ng danyos.
Paalala ni Atty. Del Prado: Mag-ingat sa mga salitang ibinibitiw online. Wala raw batas na magtatanggol sa isang taong nanakit ng iba gamit ang maling pananalita. Ang pananagutan ay maaaring hindi lang moral kundi legal din.