Ang isang walang trabaho na lalaki sa Cebu City, nasa edad 30s, ay inaresto matapos bantaan ang kanyang ama nang hindi siya binigyan ng pera. Ayon sa ulat ng pulisya, nagalit umano ang anak dahil ayaw siyang bigyan ng pera na sinabing pambili raw ng pagkain.
Ayon sa ama, matagal na siyang may hinalang gumagamit ng ilegal na droga ang anak. Kaya kahit kumakatok ito sa pinto ng kanyang kwarto at paulit-ulit na humihingi ng pera, hindi niya ito binuksan o pinagbigyan.
Nagbanta umano ang anak na papatayin ang ama kung hindi siya bibigyan ng pera. Sa takot, agad nagtungo sa presinto ang ama matapos umalis ang anak sa kanilang bahay. Sa tulong ng Mambaling Police, nahuli ang anak sa ilalim ng flyover pasado alas-10 ng umaga, Hunyo 3.
Ngayon ay nakakulong ang lalaki sa Mambaling Police Station at kinasuhan ng grave threats ng sariling ama. Sa kabila ng nangyari, umaasa ang pamilya na magkakaroon pa rin ng pagkakataong maayos ang kanilang ugnayan.