Ang isang Koreanong lalaki na wanted sa kasong kidnapping at pananakit ay nahuli ng Bureau of Immigration (BI) sa Pasay City nitong Mayo 22. Kinilala siyang si Jang Seongwoong, 47 taong gulang, na matagal nang pinaghahanap sa South Korea.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, si Jang ay may Interpol red notice at matagal nang nasa blacklist ng BI mula pa noong 2021 bilang isang undesirable alien. Dumating umano siya sa bansa bilang turista noong 2017 at hindi na muling umalis, kaya siya’y itinuturing na overstaying.
Sa ulat, si Jang at ilang kasabwat ay umano’y nangkulong at nambugbog ng isang Koreano gamit ang baseball bat dahil sa pagkakautang sa sugal. Isinampa sa kanya ang kaso sa Daegu District Court noong 2019.