
Ang Kamara de Representantes ay nagmamadaling ipasa ang mga mahalagang panukala bago ang adjournment sine die ng 19th Congress sa darating na Hunyo 13, ayon kay Speaker Martin Romualdez. Aniya, “Panahon na para tapusin ang mga naiwan nating trabaho. Final stretch na ito ng 19th Congress kaya bawat araw, mahalaga.”
Kabilang sa mga target na ipasa ay ang Anti-Offshore Gaming Operations Act o mas kilala bilang Anti-POGO bill (House Bill 10987). Nariyan din ang Philippine Civil Registry Act (HB 11359), Declaration of State of Imminent Disaster Act (HB 11430), AICS Act (HB 11395), at panukalang nagpapalawig sa mga benepisyo ng senior citizens.
Giit ni Romualdez, “Kailangang kumilos agad para sa mga panukalang ito. Lahat ng ito ay may direktang epekto sa buhay ng mga Pilipino—mula sa seguridad ng komunidad hanggang sa karapatan at benepisyo ng ating mga nakatatanda.”
Ang mga batas na ito ay layong palakasin ang proteksyon ng publiko, ayusin ang serbisyo, at masigurong hindi naabuso ang mga sistemang tulad ng offshore gaming. Isa rin itong hakbang para bigyan ng mas maayos na suporta ang vulnerable sectors gaya ng mga senior citizens at mga nangangailangan.
Sa nalalabing araw ng sesyon, tiniyak ni Speaker Romualdez na mas paiigtingin pa nila ang trabaho sa Kamara para maipasa ang mga panukalang magdudulot ng positibong pagbabago sa bansa.