Ang Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ay tumutol sa hiling ng pamilya Duterte na ibalik sa Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, na nakakulong ngayon sa The Hague, Netherlands dahil sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Sa panayam ng media sa Kuala Lumpur, Malaysia, sinabi ni Marcos na kung talagang gusto ng reconciliation, hindi dapat may kondisyon. Ito ay matapos sabihin ng kampo ni Duterte na ibalik muna si Digong bago makipag-ayos kay Marcos.
Giit ni Marcos, "Hindi ganyan ang totoong pagkakaayos. Hindi ka dapat naglalagay ng kondisyon kung gusto mong magkaayos."
Gayunman, sinabi ng Pangulo na bukas pa rin siya sa pag-uusap sa mga Duterte para ayusin ang kanilang relasyon. Aniya, dapat malinaw kung ano ba talaga ang ugat ng problema at paano ito maaayos.
Dagdag pa niya, "Kung may hinihingi muna bago makipag-usap, wala tayong mararating. Tapos na ang usapan kung gano’n."