
Ang senador na si Sherwin Gatchalian ay isinusulong ang permanenteng pagbabawal sa POGOs (Philippine Offshore Gaming Operators) bago matapos ang kasalukuyang Kongreso sa loob ng dalawang linggo. Ayon sa kanya, kahit may executive order na nagbabawal sa POGOs, mas maganda raw kung ito ay maisasabatas para klaro ang pagpapatupad.
Matagal nang kritiko si Gatchalian ng POGOs, dahil sa mga isyu ng krimen, korapsyon, at hirap sa regulasyon. Sa mga Senate hearing, lumabas rin ang koneksyon ng POGOs sa money laundering at human trafficking.
Bukod sa POGO ban, isinusulong rin ni Gatchalian ang pagtaas ng buwis sa vape products. Sabi niya, dumadami na ang kabataang gumagamit ng vape, kahit hindi naman sila dating naninigarilyo.
May babala rin siya sa smuggling ng vape products, lalo na sa mga mali o kulang na tax declaration sa freebase at nicotine salt. Ayon kay Gatchalian, mas mababang buwis ang dini-deklara ng mga smuggler para makalusot.
Ngayong araw, magkakaroon ng public hearing ang Senate committee on ways and means, kung saan chairman si Gatchalian. Sinabi rin niya sa isang interview sa dzBB na kinausap na niya si Senate President Francis Escudero para bigyang-prayoridad ang dalawang panukala bago mag-adjourn ang Kongreso.