Ang isang lalaki na wanted sa kasong rape ay naaresto sa Bagong Silang, Caloocan nitong Mayo 18, 2025. Ayon kay Police Lt. Col. Alain Licdan ng NPD Special Operations Unit, ang suspek ay nasa most wanted list ng DILG at NPD at nahuli sa loob mismo ng kanyang bahay.
Lumitaw sa imbestigasyon na ang biktima ay kumare ng suspek at ninang ng kanyang anak. May arrest warrant na inilabas noong 2023. Ayon sa pulisya, may witness na anak ng biktima. Nakita raw ng bata na nakapatong ang suspek sa nanay niya matapos siyang itabi.
Sa ulat ng PNP, matagal nang nagtatago ang lalaki. Isa siyang karpintero at palipat-lipat ng tirahan depende sa location ng trabaho. Pero umuuwi pa rin siya paminsan-minsan sa Caloocan, kung saan siya natimbog ng mga pulis matapos siyang matyempuhan sa kanyang bahay.
Para hindi mahalata na may tao sa bahay, pinapalock ng suspek ang pinto mula sa labas, pero hindi niya alam na minamanmanan na siya. Sa mismong bahay siya inaresto ng mga pulis.
Aminado ang lalaki na may kaso siya, pero itinanggi niya ang krimen. “Wala pong katotohanan. Kumare ko po ‘yon. Sabi niya kaya niya itinuloy yung kaso ay dahil pinagalitan siya ng tatay niya,” pahayag ng suspek. Sa ngayon, nasa custody ng NPD ang lalaki habang inaasikaso ang return of warrant.