
Ang Mall of Asia Arena sa Pasay ay napuno ng sigla at saya nitong Linggo ng umaga, habang mahigit 30,000 katao ang lumahok sa Angels Walk for Autism 2025. Isinagawa ito ng Autism Society Philippines (ASP) bilang suporta sa autism awareness at inclusion.
Ayon sa ASP, tinatayang may 1.2 milyong Pilipino ang nabubuhay na may autism, katumbas ng isa sa bawat 100 tao.
Ibinida ni Mona Magno-Veluz, tagapagsalita ng ASP at kilala online bilang Mighty Magulang, ang galing ng mga indibidwal sa spectrum. “Gusto rin naming makita at marinig. Hindi dapat nakakulong ang mga may autism at pamilya nila sa takot na hindi sila maunawaan ng lipunan,” saad ni Veluz.
Isa sa mga tampok na performer ay si Cid Tampo mula sa ASP Iloilo, na naghandog ng kanta tungkol sa mga hamon at pangarap ng mga taong may autism. Aniya, “Gusto kong ibahagi ang aking talento at adbokasiya — na walang dapat ikatakot sa autism.”
Dumalo rin ang ilang sikat na personalidad tulad nina Carmina Villarroel, Vivoree, Gelli de Belen, at Pepe Herrera. Pinarangalan si Sen. Risa Hontiveros para sa kanyang mga batas na sumusuporta sa autism community.