Ang Philippine Pet Birth Control Center (PPBCC) ay inanunsyo ang pagsasara ng kanilang operasyon matapos lumabas muli ang mga alegasyon ng kapabayaan, kung saan may alagang aso umanong namatay. Dahil dito, nalungkot ang maraming pet owners at humiling na sana'y pag-isipan muli ng organisasyon ang kanilang desisyon.
Marami ang umaasa sa murang neuter at spay service ng PPBCC, lalo na ang mga walang kakayahang magpagamot sa mamahaling private vet clinics. Mula 2017, halos 200,000 pusa at aso na ang kanilang natulungan. Binabaan nila ang presyo mula ₱800–₱2,000 sa halagang ₱100–₱300 lamang.
Ipinaliwanag ng PPBCC na ang bawat insidente ng pagkamatay ay may medical explanation at ang ibang alaga ay neutered kahit pa may babala ang vet. Ayon sa kanila, may mga signed waiver forms ang mga may-ari na piniling ituloy ang procedure.
Dahil sa sunod-sunod na batikos, nakatanggap ng banta ang founder, kaya napilitan silang magsara upang bigyang-priyoridad ang kanyang pamilya. Gayunpaman, tatapusin pa rin nila ang mga existing appointments at bukas pa rin ang kanilang Facebook page para sa updates.
Hiniling ng maraming pet owners na huwag ituloy ang pagsasara dahil malaki ang naging ambag ng PPBCC sa animal welfare. Marami ang nagsabing healthy pa rin ang kanilang mga alagang pusa’t aso dahil sa neuter service ng foundation.