
Ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ay nakasamsam ng illegal vape products na may halagang mahigit ₱543 milyon na hindi binayaran na buwis. Isinagawa ang operasyon sa isang bahay sa Marilao, Bulacan, kung saan nadiskubre ang 81,200 vape pods na may brand na "Team Papa"—lahat ay walang BIR-issued excise stamps.
Ayon sa BIR, ang mga responsable sa pagpasok ng mga produktong ito ay kakasuhan ng paglabag sa ilang bahagi ng National Internal Revenue Code tulad ng Section 258 (unlawful pursuit of business), Section 263 (unlawful possession o removal ng excise-taxed goods), at Section 254 (pagtangkang umiwas sa pagbabayad ng buwis).
Nagbabala si BIR Commissioner Romeo Lumagui sa mga nagtatago ng ganitong negosyo sa mga village at residential compound. “Akala nila di natin sila maabot. Nagkakamali sila,” aniya.
Hinimok din ng opisyal ang publiko na isumbong ang mga kahina-hinalang vape products sa kanilang lugar. “Walang puwang ang mga vape criminals sa ating mga tahanan at komunidad,” dagdag pa ni Lumagui.
Ang aksyon ng BIR ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa smuggling at tax evasion, para sa proteksyon ng mamamayan at kita ng gobyerno.