Ang dalawang lalaki ay nailigtas mula sa isang marahas na hazing sa Noveleta, Cavite. Tinawag itong “30-Second Massacre”, kung saan ang mga biktima ay binubugbog ng ilang miyembro ng grupo sa loob ng 30 segundo. Sa video, kita ang isang biktima na hinahampas at sinisipa habang nakapalibot sa kanya ang mga lalaki.
Ayon kay Police Major Sandie Caparroso ng Noveleta Police, ginagawa ito bilang bahagi ng initiation rites para sa mga bagong miyembro. May 50 katao ang nadatnan ng mga pulis sa isang bakuran sa Barangay San Rafael Tres. Sabi nila, may simpleng “binyag” lang daw, pero natuklasan ng pulisya na hazing pala ito.
Sampung katao, kabilang ang apat na menor de edad, ang inaresto. Ang anim na nasa hustong gulang ay sinampahan ng kaso sa ilalim ng Anti-Hazing Law. Ayon sa kanila, layunin lang daw ng kanilang grupo ang community service tulad ng feeding program, at wala silang ginagawang masama.
Ang mga menor de edad ay itinurn-over sa Municipal Social Welfare and Development Office. Ang dalawang biktima ay kasalukuyang nagpapagaling. Nakikipagtulungan ang pulisya sa mga barangay at eskwelahan para mapigilan ang pag-recruit ng kabataan sa ganitong grupo.