Ang isang lalaki sa China na si Gao ay halos mamatay matapos sumailalim sa isang illegal acupuncture session na ginawa ng isang hindi lisensyadong doktor. Inalok siya ng gamutan ng naturang pekeng doktor na nirekomenda lang ng kaibigan ng kanyang asawa. Mayroon si Gao na fibroma o bukol na hindi cancerous sa kanyang likod.
Ayon sa pekeng doktor, ang bukol ni Gao ay isang “air bump” lamang. Dahil dito, pumayag si Gao na magpagamot sa isang cybercafe. Pagkatapos ipasok ang ilang karayom sa kanyang katawan, nahirapan siyang huminga. Dinala siya agad sa ospital.
Sa ospital, natuklasang may pneumothorax siya—isang kondisyon kung saan may tagas ng hangin sa pagitan ng baga at dibdib. Dahil dito, nagkaroon siya ng respiratory failure. Ayon sa mga doktor, kung nadelay pa ng kahit isang minuto ang kanyang gamutan, posibleng namatay siya.
Kinumpirma ng ama ng pekeng doktor na hindi ito lisensyado at nag-aral lang sa panonood ng iba. Kasalukuyang iniimbestigahan ang insidente. Nakikipagtulungan ang mga ospital sa pagsampa ng kaso laban sa pekeng doktor.
Ang pekeng doktor ay maaaring makulong ng tatlo hanggang sampung taon dahil sa illegal na medical practice na humantong sa malubhang pinsala sa kalusugan ni Gao.