
Ang apat na miyembro ng isang pamilya, kabilang ang dalawang menor de edad, ay nasawi sa pamamaril sa kanilang bahay sa Biñan, Laguna. Ayon sa imbestigasyon, pinagbabaril ng dating security guard na ama ang kanyang live-in partner at dalawang anak dahil sa matinding selos, bago nito piniling magpakamatay.
Ayon kay PLt Col Allan Reginald Basiya ng Biñan City Police, nagkaroon ng matinding alitan sa loob ng bahay bago ang pamamaril. Nakarinig ng sigawan at putukan ang mga kapitbahay. Dead on the spot ang ina at ang kanyang 10 taong gulang na anak na babae, habang namatay sa ospital ang 11 taong gulang na anak na lalaki. Napatay rin ang kanilang alagang aso, habang nasugatan ang pusa.
Nahirapan ang mga pulis sa pagresponde dahil nakasara ang gate ng bahay. Pinaniniwalaang planado ang krimen. Ayon sa kapitbahay na si Josephine Destua, malapit sa kanya ang mga bata at madalas sa kanila tumatambay.
Humingi ng tawad ang kapatid ng suspek sa pamilya ng mga biktima. “Sana mapatawad nila si kuya,” aniya. Itinuturing nang case closed ang insidente ng Biñan police.
Nagpaalala ang mga awtoridad na may mga grupong handang tumulong sa mga taong dumaranas ng matinding kalungkutan at depresyon. Maaaring tumawag sa mga hotline ng Natasha Goulbourn Foundation at In Touch Crisis Lines para sa tulong.
Kailangan mo ba ng tulong?
📞 804-HOPE (4673)
📱 0917-558-HOPE / 0917-852-HOPE
📱 0917-842-HOPE
📱 0917-572-HOPE
📞 (02) 893-7606 (24/7)